Ang “Leaf Blower” Laban sa Kalaykay
TORONTO – May kasalaulaan ng kaingayan na ngayon ay nakaragdag sa Toronto – ang nagpapalipad ng dahon na tinatawag na “leaf blower”. Nakaragdag ito sa dati ng kaingayan sa siyudad na dulot ng pagtatayo ng mga gusali at mga sirenang nagmumula sa mga ambulansiya, bombero, at mga sasakyan ng mga pulis.
Ano ang “leaf blower”. Ayon sa Wikipedia, ito ay isang kasangkapan na ginagamit sa hardin at bumubuga ng hangin para paliparin ang mga dahon at pinagtabasan na damo sa isang lugar. Yung unang “leaf blower” na gawa ng Kioritz Corporation ay unang lumabas sa taong 1977. Sumunod na taon, ang pangalan ng kompanya ay pinalitan sa Echo.
Dapat bang ipagbawal ang leaf blower sa Toronto, tanong ni Ron Johnson sa TRNTO nung November 3rd, 2021. Dalawang tao na may mataas na katungkulan ang may kanya-kanyang opinyon tungkol sa paksang ito: si konsehal Shelley Carol at Landscape Ontario na si Tony DGiovanni.
Ayon kay Carol, hindi lang maingay ang “leaf blower”, masama pa ito sa kalidad ng hangin sa siyudad. Isang oras ng paggamit nito ay katumbas ng 1,700 kms ng pagmamaneho ng sasakyan na bumubuga ng hindi kanaisnais na hangin sa tambucho. Ananang masama ang epekto ng gasolinang nagpapatakbo sa kasangkapan pang hardin dahil naaapektuhan ang tirahan ng mga insekto na kailangan para sa ekolohiya.
Si DiGiovanni naman ay sinabi na ang “leaf blower” ay nakakatulong sa mga liwasan sa siyudad. Maraming liwasan ang Toronto at sa mga ito ay maraming puno na nakatayo. Hindi kayang umupa ng siyudad ng mga taong mag kakalaykay ng mga dahon na nahulog dahil sa taglagas. Ang pinakamabisa ay ang "leaf blower" na ang parks department ay pinakamalakas na gumagamit nito.
Ang sa akin naman ay isang katamaran ang gumamit ng “leaf blower” sa isang bahay o isang gusaling tirahan na may bakuran.
Nainintindihan ko ang paggamit nito sa mga liwasan. Hindi ba maigi ang nasa labas ka at nagtatrabaho sa hardin? Nung una kong taon dito sa bayan na to, tinulungan ko ang pamangkin ko na kalaykayin ang mga naglagas na dahon sa bakuran ng kapatid ko.
Kakaibang karanasan ang idinulot sa akin nito. Sa Pilipinas, ginagamit ang kalaykay sa pagpantay ng lupa bago ito buhusan ng alkitran at semento. Dito, ginagamit ang kalaykay sa pagtipon ng mga nalagas na dahon. Madalang na ngayon ang paggamit nito. “Leaf blower” ang pumalit sa kalaykay. Ang nangyayari ay pinalilipad nang kusa ang mga dahon sa kalye na kung tutuusin ay bawal katulad ng bawal ang snow na palahin at pabagsakin sa kalye. Tuloy, pagdating ng ulan ay barado ang imburnal at nagbabaha sa mga kantong tawiran ng tao. Maigi sana kung ang mga dahon na nasa kalye ay mawawalis ng isang “truck sweeper” pero ito ay hindi dumadaan sa mga maliit na kalye na may maraming dahon sa gilid.
Ang taglamig ay malapit na. Marami nang puno ang wala nang dahon. Pero karamihan ng mga nalagas ay nasa gilid ng kalye pa rin malamang dahil sa paggamit ng “leaf blower”. Umaasa ako na hindi ko mararanasan ang humakbang nang malaki sa mga kantong baha pero palagay ko, hindi mangyayari ito. Malamang maluma kaagad ang bago kong botas.
Pic by Ricky Castellvi