Ang Pinakamalaking Pamilihan na Tingi Online sa Canada
Ang unang ipinangalan dito ay Cadabra pero nung pinuna ito ng abogado ni Jeff Bezos na hindi karapat dapat dahil ang pangalan ay may kinalaman sa mahika, binago ito at ipinalit ang pangalan na Amazon, naturingang pinakamalaking ilog sa mundo.
Ang Amazon ay may kinalaman sa pagbenta ng tingi online. Nung nagmula ang pandemic at nanatili ang mga tao sa kanilang bagay, nagsara ang mga tindahan. Binalingan ng mga ito ang Amazon sa mga pangangailangan nila habang nagtatrabaho sa bahay. Sa aking tirahan na mataas na gusali, ang pagdala ng benta ng Amazon ay dumugso nang papalapit na ang pasko.
Sa loob ng gusali at sa mga bahay, ang nagmamaneho ng trak na siya rin naghahatid ng mga Amazon na paninda at binili ng mga tao ay nagtatrabaho ng buong linggo di tulad ng mga manggagawa ng Canada Post na naghahatid ng mga sulat at mga pakete nang lunes hanggang biyernes lamang.
At hindi hinahawakan ng nagdadala ng mga ito ang mga pakete at kahon. Bagkus, kumakatok sila pakatapos iwanan sa pintuan ang mga ito. Minsan, pag natitiyempuhan na narinig ko ang katok, isnusuot ko ang maskara ko bago ko buksan ang pinto. Pag nakita ko ang tao na nagiwan ng pakete, pinapasalamatan ko at sumasagot ito ng kaway. Parating may dalang kariton na puno ng mga pakete at kahon ito na para sa ibang nangungupahan sa gusali.
Katakataka na ang Amazon ang pinakamalaking pamilihan ng tingi sa Canada dahil ang may-ari nito ay isang Amerikano na si Jeff Bezos. Hindi nakakagulat dahil ang US ay pangalawang kasosyo sa kalakalan ng Canada. Pang 18 tayo sa benta ng Amazon pandaigdig at ang benta natin nung nakaraang taon ay umabot ng US$7,390.7M.
Ayon sa Global News nung April 19, 2021, umakyat ng 44% ang benta ng Amazon sa unang tatlong buwan. At nung nakaraang taon, 200M na kliyente ng Amazon ang dumagdag sa Prime Loyalty at may kalahating milyon ang inupahan na manilbihan sa kumpanya.
May mga hinaharap na hamon ang Amazon, isa na rito ay ang mga paraan na ginagamit ng kumpanya para umunlad. Bukod dito ay ang problema sa mga trabahador na hanggang ngayon ay walang silang unyon ng manggagawa. Isa pang naging problema ay ang kakulangan ng mga pansariling kagamitan sa pangangalaga ng mga trabahador sa bodega na ikinasakit sa Covid ng ilang trabahador.
Sa July 5, 2021, bababa si Bezos sa katungkulan na CEO at papalit sa kanya si Andy Jassy. Sabi ni Tim Bajarin ng Creative Strategies ay malamang hindi talagang bababa si Bezos at patuloy pa rin itong sasali sa mga usapan na may kinalaman sa mga madiskarteng mga desisyon na nauukol sa pagpapatakbo ng Amazon.
Sa nakaraang 27 anos, lumago ang Amazon pamula nung itinayo Ito sa isang garahe sa Bellevue, Washington, nung July 1994. Nagumpisa ito sa pagbebenta ng libro online tapos ng kung anut-ano. Nitong 2020, ito ang may pinakamataas na pagtatasa ng tatak sa buong mundo. Ang palatandaan nito na isang hubog na palaso na nangangahulugan ng isang ngiti ay kilalang kilala lalo na dito sa Canada.
Ako ay makaluma pagdating sa pananamit pero nasubok ko na ang Amazon sa mga dumating na mga order ko sa kanila, at aaminin ko hindi ako nabigo sa mga babasahin, DVD at mga DVD players na dumating nang napakabilis pamula nang binili ko. Medyo naaakit na ako sa pamimili online at sa pakiwari ko ay rin masama ito.
Photo credit: Pixabay.com