Ang Umaakyat na Presyo ng mga Pagkain nitong Pandemya

TORONTO – Isang kaibigan ko ang pumuna ng presyo ng Big Mac, na pag kumakain ka nito parati, di mo mapupuna ang presyo pero kung ikaw ay yung taong tulad ko na paminsan minsan lang kumain ng Big Mac, malamang magulat ka sa babayaran mo. Nitong nakaraang mahigit na isang taon, hindi ako kumain ng Big Mac hanggang ilang araw na nakalipas nang bumili ako ng dalawang Big Mac meals at nagulat ako sa binayaran ko – mahigit $23! Sabi ng kaibigan ko, mas makakatipid ka kung may coupon ka, konti sa kalahati ang babayaran mo. Ang sa akin naman ay gaano kadalas nagbibigay ng coupon para sa Big Mac. 

Si Saif Kaisar ng City News Everywhere ay sumulat nung August 18, 2021 na ang mga presyo ng mga paninda sa mga supermarket ay unti-unting umaakyat na sa kasalukuyan, ang pamilya ng apat ay nangangailangang magbayad ng dagdag na mga $800 pa para sa isang taon na kakainin. Ito ay inayunan ni Professor Sylvain Charlebois ng Agri Food Analytics Lab ng Dalhousie University sa Halifax na malamang mas mahihirapan tayo sa fall at winter dahil sa pagtaas ng mga presyo ng pagkain.

Ang LowestRates.ca ay nagbigay ng buwanang cost of living sa Toronto nitong 2021 – $3,008.74 – pero nagbigay din ng pahayag na puwedeng mas malaki o maliit ang halagang ito depende sa pamumuhay ng isang Torontonian. Ako ay isang Torontonian at ang aking pamumuhay ay simple lang. Merong mga Torontonians na maluho ang pamumuhay at nirirespeto ko ito.

Si Josh Rubin, isang business reporter ng Toronto Star ay sumulat nung August 20, 2021, ng “Affordability Crisis: Why is Everything Suddenly so Expensive ….” at tinalakay ang mga tirahan, kung may magagawa ang mga federal politicians sa isyung ito. Ang aking palagay ay ito ay nararapat na talakayin ng provincial at municipal politicians at kahit konti lang ang pagintindi ko sa isyu ng housing dito sa Canada, lalo na sa Toronto, medyo nagalak ako ng pinantayan ang opinyon ko ni Mike Moffat, assistant professor ng business, economics at public policy sa Western University.

Si Pedro Antunes na Chief Economist ng Conference Board of Canada ay ibang anggulo naman ang tinalakay upang ipaliwanag kung bakit tumataas ang mga presyo ng mga bilihin dito sa Canada. Ipinaliwanag niya ang epekto ng mataas na pangangailangan sa kakulangan ng kapuspusan at dinagdag nito na ang kita ng mga Canadians ay hindi nagdusa nang marahas nitong pandemic.

Binanggit nito ang China na may problema sa kakulangan ng sisidlan at dahil sa marami tayong produkto na nagmumula sa China ay nakakaranas tayo ng kakulangan at dahil dito, tumataas ang presyo ng mga bilihin. Nitong nakaraang dalawang dekada, lahat halos ng mga pangangailangan natin ay galing sa China pamula sa mga suotin, mga gamit sa kusina, mga muwebles sa bahay, etc.

Naakit tayo sa mababang presyo ng mga ito sabay ng madaling makuha ang mga ito sa tindahan. Kaya lang hindi matibay. Nung bagong dating ako sa bayan na to, pagka nasisira ang mga gamit ko, binibintangan ko ang Taiwan dahil doon nanggagaling ang mga paninda nung dekadang 70. Ang pagkabarado ng Suez Canal nitong taon na ito at ang pagsasara ng mga daungan sa China dahil sa COVID 19 ay binanggit nung August 30th, 2021 ni Peter S. Goodman at Keith Bradsher ng New York Times sa kanilang panulat na “The World is Still Short of Everything. Get Used to It.” na isa sa mga sanhi kung bakit mataas ang mga presyo ng mga bilihin, hindi lang sa US bagkus sa buong mundo. At pinaalalahanan ang lahat ng nakatira sa kontinenteng hilaga na humanda sa parating na tag lamig dahil hindi mawawala ang problemang Ito.

Napupuna ko sa aking mga resibo sa supermarket ay pataas nang pataas ang presyo ng mga pagkain. Matagal na akong di kumakain ng karneng baka. Tumigil ako sa pagbili nito nung merong “mad cow disease”. Nung hindi na to ibinabalita, napuna ko na sobrang nagtaas na ang presyo at di ko pa mahanap ang gusto kong hiwa ng karneng baka. Ngayong mga panahon na to, masaya na ko sa sardinas paminsan minsan. Natuklasan kong mas maigi ito sa katawan ko sa edad ko kasama na ang hipon at isdang nanggagaling sa mga lawa ng Ontario.

Nadiskubre ko rin ang iladong gulay na galing sa Ontario na kung minsan ay mas sariwa pa kaysa sa mga bagong lagay sa pamilihang pinupuntahan ko. Itong pandemya na to ay nakapagbago hindi lang sa aking pananaw sa buhay kundi sa aking diyeta. Pero aaminin ko na kahit nasisira ang inilarawang gugugulin ko sa pagkain, hindi sapat na dahilan ito para magtipid pagdating sa pagkain. Aking hiling lang ay hinay hinay lang ang pagtaas ng presyo ng pagkain. Sa kabila ng lahat, pagkain ay isa sa mga pangunahing pangangailangan sa buhay kasabay ng tubig, hangin, at silungan.

Sa larawan, flyer ng isang mataas na supermarket