Ang Utos na Pagsuot ng Maskara Habang Naghihintay Mabakunahan ang mga Batang Nagkakaedad ng 5 hanggang 11
TORONTO – Nitong nakaraang linggo, napadaan ako sa isang eskuwelang pansimula at nakita ko ang mga batang na nagkakaedad ng 5 o 6 na naglalaro nang nakamaskara sa likod bakuran ng eskuwela. Natuwa ako dahil masaya silang naglalaro. Pero nalungkot din ako kasi nakamaskara silang nagtatakbuhan. Tila hindi sila balisa sa suot nilang maskara. At, naisip ko na kung hindi ang mga bata nababalisa sa pagsuot ng maskara, bakit kaya ang mga nakatatanda sa kanila ay kabaliktaran ang nararamdaman pag suot ang maskara.
Aking tinanong ang isang kaibigan at ito ang isinagot niya: ang bata ay simple lang ang buhay di tulad ng mga nakatatanda sa kaniya. Ang matanda ay maraming inaalala at lalong nakadagdag ang pandemya sa mga aalalahanin niya. Pero ang batang nakikita ang nakatatanda sa kaniya na nagmamaskara tuwing lumabas ng bahay ay tutulad ng gawi.
Nitong nakaraang kampanya, si PM Trudeau ay binato ng mga batong tipak tipak ng isang taong hindi umaayon sa mga ginagawa niya para sa mga mamamayan nitong pandemya. Inaresto yung bumato. Nitong buwan na to, nakasalubong ako dito sa Toronto ng isang malaking tutol sa pamamalakad ni Trudeau. Puro walang suot na maskara at ang lalakas sumigaw. Heto ang problema ko sa mga taong sumasali sa tutol: sumisigaw sila para marinig at mga walang maskara. Dikit dikit silang lumalakad, wala man lang distansya. Samantala, nandidito pa rin ang Covid. Hindi pa nawawala. At may mga pamilya may mga batang akay sa kapaligiran.
Kaya naman kahit ako nabakunahan na ng dalawang doses, nagsusuot pa rin ako ng maskara at pangharang sa mukha tuwing lumabas ako sa pagmamalasakit ko sa mga batang hindi pa nababakunahan at sa mga magulang nila. Harinawa may bakuna na ang mga batang nagkakaedad ng 5 hanggang 11 bago ma tapos ang taong ito. Sa US, katatapos lang magsuri ng bakuna sa mga batang ito ang edad at ang resulta ay kaayon ayon. Malamang daw na ang mga batang binanggit na nasa edad ay mabakunahan bago raw magtaglamig, ayon kay Dr. Scott Gottlieb, dating Food and Drug Administrator, sa ulat ng CNN Health na lumabas nitong September 20, 2021.
Itong panahon ng tag init, nagkaroon ng salusalu ng pagsunog ng mga maskara sa NYC, Milwaukee, Dayton Ohio, Michigan upang ipagdiwang ang pagbabakuna. Dito sa Ontario, kahit walang sinunog na maskara, kinasuhan ng OPP ang isang restaurant sa Kemptville dahil nilabag nito ang Reopening Act nang inimbita ng isang MPP ang may mga 200 katao sa pagsunog ng maskara, ayon kay Alexandra Mazur ng Global News. Naiintindihan ko ang kagalakan sa hindi pagsusuot ng maskara. Sino ba naman ang may gustong magsuot ng maskara pero ngayong may Delta variant, ang utos na magsuot nito ay kailangang maipatupad lalung lalo na sa eskuwela, hindi lang sa tindahan, opisina, malls, at anumang looban.
Sa Ontario, nitong June 30, 2021, 12.9% na mga bata ang nagkasakit ng Covid 19, ayon sa Public Health Ontario. Sa US, 240% na ang inakyat ng mga batang maysakit ng virus na ito mula nang July, ayon kay AJ Willingham ng CNN na nagbalita nung September 15, 2021. Kauumpisa pa lamang ng pagbabalik sa eskuwela ng mga bata dito sa Ontario kaya hindi pa natin malalaman kung ano ang epekto nito sa mga Covid “cases”.
Nung mga unang araw nitong buwan na ito, nabigla ako isang umaga nang mabasa ko ang Gulf News ng September 9, 2021 na nagsasabi na 99 na bata sa bahay ampunan ang tinamaan ng Covid dahil sa isang nagbisita na may Covid pero walang sintomas. Ang mayor ng siyudad na kinaroonan ng ampunan na ito ay nagsabi na puwede namang naiwasan to kung sinunod lang ang “Covid safety protocols”. Nung binalita ito, may 2.1 milyones na Covid cases at 34,672 na ang namatay sa dating kong bayan na may 111 milyones na katao.
Nalulungkot ako kapag nakakabalita ako ng mga batang nagkakasakit lalung lalo na ng Covid. Naalala ko nung bata ako. Masayang masaya ko pag kalaro ko ang kapwa bata ko. Ang mga magulang ko ay parating nagaalala kung makadampot ako ng mga sakit na tulad ng polio, typhoid, tuberculosis at cholera. Salamat naman at hindi ako nagkasakit ng mga ito. Aking pinagmamasdan ang mga pamilya ngayon. Oo nga, may mga asenso na sa siyensa pero lahat ng nangyayari nitong pandemya ay bago sa pandinig natin. Kaya alang alang sa mga magulang na alam kong maghihinagpis pag magkasakit ang anak nila, ako ay patuloy na nagsusuot ng maskara kahit ako ay bakunado na ng dalawang beses.
Isang bagay na nagbigay pagasa nitong umaga ng September 20, 2021, ay ang mga numero ng mga nakatanggap na ng mga bakuna – 85% sa unang dose, 79% sa pangalawang dose. May mga nagsasabi na puwede pang umakyat ito sa 90%. Salamat nawa kung maabot natin Ito.