Code Red Para sa mga Mamamayan ng Mundo
TORONTO – Nung Mayo nitong taon na ito, maraming mga manok at mga isda ang nangamatay sa Dagupan, Philippines, dahil sa tinding init na umabot sa 52 Celsius. Nitong tag araw sa Canada, ang baryong Lytton sa BC, ay uminit nang matindi na umabot ng 49.4 Celsius, tapos nasunog ito sa sumunod na araw. Nung 2018, dalawang kamaganak ko ang bumiyahe sa San Francisco para makipagkita sa mga pinsan na dumadalaw galing sa Pilipinas. Nang pababa na ang eroplano nila, kitang kita nila ang mga sunog sa California. Paglabas nila sa hantungan, puro usok ang naamoy nila at nangailangan silang magsuot ng maskara. Nung huling araw nila sa SFO, yung mga cable cars na likas na San Franciscan ay hindi pinahintulutan na umandar dahil sa alikabok at mababang aninag sa dadaanan ng mga ito.
Umiinit na ang mundo. Narito na ang pagbabago ng klima. At ito ay dahil sa gawi ng mga tao. Si Al Gore na dating Vice President ng US ay nagpresenta ng isang pelikulang documentary “An Inconvenient Truth” nung 2006 na nagbigay ng babala tungkol dito. Hindi nakinig ang mundo kaya heto na resulta. Meron na tayong “Code Red for Humanity”. Nakakaranas na tayo ng matinding init. Sa US, 58 milyones na katao ay dumanas ng matinding init nitong nakaraang patapos ng linggo, kasama na ang mga nakatira sa NYC, Philadelphia, St. Louis, Kansas City, Seattle at Portland Oregon. Sa Siberia, isang malaking sunog na nagumpisa nung July 2020 ay patuloy ang paglaki at ngayon ay napakalaki na, na pagsamahin man ang kalat kalat na mga sunog sa buong mundo ay hindi pa rin matumbasan sa kalakihan.
Nung nakalipas na trenta anos, isang pagpupulong tungkol sa kapaligiran ay ginanap sa Rio de Janeiro. Ang naturingang Earth Summit ay inusisa ang mga epekto ng carbon dioxide at mga greenhouse gases sa kapaligiran at kinatapusan ng pagpupulong na ito ay puro mga probabilidad , ayon kay Eugene Robinson ng Washington Post. Dito sa pagpupulong na ito ginanap ang unang Intergovernmental Panel on Climate Change (IPCC). Nitong nakaraang linggo, lumabas ang ika anim na ulat ng IPCC na nagsasabi na mga mamamayan ng mundong ito ang may sala sa mga nangyayaring sunog, baha, bagyo, at tagtuyot ngayon. Ang Paris Accord nung 2015 ay nagbigay ng temperatura na dapat asahan na tumaas sa susunod na kinse anos. Ang temperatura ay 1.5 Celsius. Anim na taon pa lang ang nakakalipas, ang temperatura ay 1.1 Celsius na. Si Valerie Masson-Delmonte na co-chair ng panel ay nagsabi na maiiwasan ang anupamang pagtaas ng temperatura sa pamamagitan ng pagiwas sa greenhouse emissions. Ito ay inaasahan na maging punong paksa na tatalakayin sa Scotland nitong November sa UN Conference on Climate Change.
Sa ngayon, kailangan natin iakma ang ating sarili sa nangyayaring pag init ng mundo. Pero puwedeng bagalan ang nangyayari kung babaguhin natin ang ating kilos at turing sa ating kapaligiran. Ang pagpapalit ng dependensiya sa fossil fuel na kapaligiran ay enerhiya na nanggagaling sa araw at hangin ay hindi madali pero pwede kung gugustuhin. Meron nang mga solar panels na nakikita dito sa Toronto. Nasa bike share at parking meters. Meron din ang ilang bahay nito. Ang pinakaka kilalang windmill ay nasa Canadian National Exhibition. Kailangan lang ang bawasan ang carbon dioxide emissions. Papano mo sasabihin ito sa pinakamalaking mangdadahas na hanggang ngayon ay hirap umamin na ang punot dulo ng COVID 19 ay sa bayan niya.
Ang bansag na “Want not, waste not” ay iba na ang kahulugan sa akin. Dating nangangahulugan na ipamahagi ang mga pagkain sa mga darating na araw, ngayon ay nangangahulugan ito na kunin lang ang sapat para sa iyo at huwag magsayang ng maski ano dahil maski ano ngayon ay gumagamit ng fossil fuel para magawa Ito.
Nakalarawan sa itaas, solar panels sa tabi ng isang bahay sa Church Street, malapit sa Ryerson University, Toronto (Ricky Castellvi)