March 20, 2022 – Ang pecha na inaantabayanan ng mga Ontarians
TORONTO – Sapul nang dineklara ng WHO ang pandemya, isang paksa ang naging problema ng mga nakataas na mga nanungkulan sa gobyerno, mga siyentipiko at mga mamamayan nitong mundo: ang pagsuot ng mga maskara o dispras.
Nung pandemya ng flu nung 1918 hanggang 1919, kinailangang magsuot ng maskara ang mga mamamayan. May mga sumunod; mayroon naman na hindi umayon. Ayon sa mga hindi umayon, ang maskara ay di maginhawa. Meron din nagsabi na ito ay di maganda as negosyo, kung iuutos sa mga mga mamimili ang pagsuot ng maskara sa loob ng tindahan o kainan. May mga naninigarilyo na binutas ang kanilang maskara para makasigarilyo lang at meron naman na gumawa ng maskara na naaayon sa moda pero hindi nakakaprotekta laban sa flu. May mga pumalag sa pagsuot ng maskara noon. Makalipas ang 102 anos, may mga pumapalag pa rin.
Ayon kay Dr. Stephen Luby na experto sa mga nakakahawang mga sakit sa Stanford University, ang pinakamamabuting siyensiya ay yung nagsusuporta sa pagsusuot ng maskara para masupil ang Covid 19. Kung papano ito maisasagawa ay depende sa mga nilalaman ng mga kalagayan ngayon na may pandemya. Napatunayan na ang maskara na gawa sa tela ay nasasanggaan ang Covid 19 nang 50% samantala ang maskara na pangospital na tulad ng N95, mahigit, ayon kay Emily Anthes ng New York Times sa sinulat niyang “When can the Covid masks finally come off” nung November 20, 2021.
Dito sa Ontario, si Rachel Emmanuel ng iPOLITICS ay sumulat nung October 29, 2021, na nagsasabi na ang pagsuot ng maskara ay ititigil pagdating ng March 28, 2022, sa kondisyon na walang malalang problema dahil sa Covid. Sa ngayon, isang “variant” na nagngangalang Omicron ay nadiskubre sa Africa, na pinagsusupetsahan na galling sa South Africa. Agad agad kumilos ang Canada at pinagbawal ang pagpasok ng mga biyaherong nagmula sa SouthAfrica, Mozambique, Namibia, Zimbabwe, Botswana, Lesotho at Eswatini.
Medyo umaakyat na naman and mga nahahawaan ng Covid. Nito nakaraang Biyernes, umabot ng 927. Walang duda, itong bagong variant ay magiging sanhi ng pag-akyat ng mga nahawaaan pero dahil umaakyat din ang numero ng nabakunahan, sigurado akong konti lang ang mga mamatay.
Sa palagay ko, puwedeng lahat tayo ay nagkakaisa sa mga dinudulot na ka walang-ginhawa sa pagsuot ng maskara. Pawisin ang mukha natin kahit na napakalamig. Nilalakasan nating ang mga boses natin para lang marinig at maintindihan ang sinasabi ng kausap natin. At napalitan ang mga ngiti natin ng kaway kasi natatakpan ng maskara ang acting bibig. Lahat ito ay maliit lang kung titingnan ang magandang resulto ng pagsuot ng maskara. Matatapos din ang pandemyang ito. Ang kilos natin ang magbibigay ng paraan para matapos ito.