Matinding Galit sa Himpapawid
Meron akong matagal nang kaibigan na naging empleyado ng isang kompanyang panghimpapawid. Retirado na siya. Pagkatapos ng 46 anos na pagsisilbi, hindi na niya kailangan bumagon nang maaga para lumipad, kumain ng agahan sa gabi, matulog hindi sa gabi kundi sa araw dahil sa iba’t ibang oras sa mga pinupuntahan niya. At nakakasiguro ako na nagpapasalamat siya na tinganggap niya ang gintong relo na ibinigay sa kaniya ng kompanya ngayong may kaguluhan na nangyayari sa himpapawid.
Ang Federal Aviation Administration (FAA) ay may listahan ng mga kaguluhan na bumibilang ng 2,900 na nangyayari sa himpapawid, 2,200 nito ay may kinalaman sa pagsuot ng maskara sa mukha, ayon kay Dean Obeidallah ng CNN. Nung nakaraang buwan, isang attendant ng flight ay binugbog ng isang pasahero, tumalsik ang dalawang ngipin, dahil pinagsabihan nito na sumunod sa mga patakaran ng paglipad. Pagdating sa patutunguhan ng eroplano, inaresto ang nasabing pasahero.
Malaki ang multa sa mga lumalabag sa batas ng FAA. Wala pa doon ang mga asunto na isasampa ng mga nasaktan. Isang pasahero na nanakit sa dalawang attendant ng flight attendants ay minultahan ng $32,750, at isa pang pasahero na ibinato ang kanyang maleta sa isang attendant ng flight ay minultahan ng $16,500. Ang pinakamalaking multa ay ibinigay sa isang pasahero na naglagot sa eroplano na kinailangan bumalik ang JetBlue Airways sa Dominican Republic, ayon kay Gregory Wallace at Pete Muntean ng CNN na nagfile ng report nung May 5, 2021.
Ayon kay Ben Baldanza na sumulat sa Forbes nung June 7, 2021, may apat na dahilan kung bakit nangyayari ang mga ito sa himpapawid. Una ay yung mga bumabiyahe ngayon ay mga bagong mukha, hindi yung regular na biyahero. Dahil dito, naninibago sila sa mga patakaran ng kompanyang panghihimpapawid. Pangalawa, ang pagsuot ng maskara sa mukha ay talagang mahirap sundin, lalo na pag nakaupo ka nang matagal sa eroplano. Pangatlo, pagkahapo sa pandemya. May mga pasahero na hindi nakakaintindi o ayaw umintindi ng mga patakaran sa paglipad at iniisip nila na ang mga karapatang pantao nila ay nalalabag. Ang pandemya ay naging sandalan ng marami sa pagungkat ng mga karapatang pantao. Pangapat, sobrang kaguluhan ang nangyayari sa kapaligiran na umabot na ito sa pagbabiyahe.
Huwag nating kalimutan na mapanganib ang sumakay sa eroplano. Puwedeng maaksidente tayo, at masakit mang aminin, puwede tayong mamatay habang nagbabiyahe. Pag nasa eroplano ako, ang Diyos ko ay ang piloto. Sa kanya ko inaalay ang kaligtasan ko dahil siya ang nagpapatakbo ng isang makinarya na gawa ng tao. Dahil dito, ayaw kong may sama ako ng loob pagka sasakay ako sa eroplano.
Sa kasalukuyan, sarado pa ang mga hangganan ng Canada sa mga turista dahil sa pandemya. Nitong June 16, 2021, binuksan ang hangganan sa Manitoba at Quebec. Nung bago pa lang ako dito sa bayan na ito, napuna ko ang kagandahan at kaayusan ng Canada. Sabi ng isang kakilala ko, ang mga nagplano at nagtayo ng mga kalsada at tulay dito, pati na rin yung mga nagpaganda ng mga parkeng libangan, ay pinagaralan ang mga nasa US at pinabuti ang mga ito nung ginawa sa Canada. Ang mga Canadians ay nagmamasid sa mga nangyayari sa kapitbahay nila sa timog at palagay ko sinasabi nila na hindi sila ganito. Malamang nga. May American na nagobserba sa pagbabakuna sa Covid ng Canada at sinabi niya na ang Canada ay linampasan na ang Israel at ang US sa pagbabakuna dahil sa ikinaiba ng kultura ng bayan.
Sa larawan, nagbibigay sa mga unang klase na pasahero ng Philippine Airlines (larawan ni Ricky Castellvi)