Mga Malalaking Giyera Habang Nabubuhay Ako
Nang sakupin ang Pilipinas ng dayuhang Hapon, hindi pa ako tao. Ipinanganak ako matapos ang WW2. Batang munti pa lang ako nang ang Korea ay nagkaroon ng pangmamayang digmaan.
Ang tangi kong nalalaman sa digmaan na to ay nakuha ko sa panood ng MASH, isang programang pangtelebisyon tungkol sa mga nagkakaloob ng mga paggamot sa mga nasugatan sa giyera sa Korea. Nang sumali ang US sa giyera ng Vietnam, binata na ako. Bakasyon noon sa klase at nakakuha ako ng isang pansamantalang trabaho sa isang siyudad na may base ng mga Amerikano. Ang naging trabaho ko ay suriin ang mga slot machines, tingnan kung maayos ang takbo ng mga ito. Dahil bata pa ako noon, hindi ko binigyan ng masyadong pansin ang labanan sa Vietnam na malapit lang sa Pilipinas, mga 1,464 na kilometro ang distansiya. Nang matapos ang giyera sa Vietnam, nandirito na ako sa Toronto at doon ko napagisipan nang mabuti kung ano ang nangyari, lalung-lalo na nang mapanood ko ang “Killing Fields”, isang pelikula na may kinalaman sa pagdawit sa Cambodia sa giyera ng Vietnam. Nung una kong mapanood ito, nabagbag ang damdamin ko. Hindi nabawasan ang kalungkutan ko sa mga sunod na panood ko.
Ang pagatras ng US sa giyera ng Vietnam at Cambodia ay napakagulo. Marami ang nagsabi na natalo ang US sa giyerang ito. Ang mga tumulong sa mga Amerikano ay hindi lahat nailabas ng America sa Vietnam at Cambodia. May mga taga-salin na tulad ni Dith Pran na naiwanan at nagdusa hanggang nakatakas at nakaabot sa Thailand. Ngayong taon na ito, isa na namang pagatras sa giyera ang nangyari at ito ay sa Afghanistan. At tulad ng pagatras sa giyera ng Vietnam, magulo rin ang nangyari sa Afghanistan. Ginera ng America ang Afghanistan pagkatapos pabagsakin ng Al Qaeda ang dalawang mataas na gusali sa Manhattan, at lampas ng 3,000 ang nangamatay.
Sobrang lagim an idinulot nung araw na yon na ngayon ay tinatawag na 9/11. May mga eksperto na nagsabi na puwede namang napigilan ang kaguluhan kung nagiwan ng 2,500 na sundalo, hindi para lumaban kundi para pang diplomasya. Ito ay sinalungat ni Fred Kaplan ng Slate nung binanggit niya sa panulat niya nung September 29, 2021, na malamang hindi maintindihan ng Taliban kung bakit may natitirang 2,500 na sundalo at patuloy pa rin silang maglalaban. Dahil ayaw ni Biden na maipit ang mga sundalo sa di pagkakaintindihan ng US at Taliban, itinuloy na niya ang pagatras at pagalis ng mga sundalo nung August. Siempre, may mga naiwanan na naman. Kabilang nito ay si Aman Khalili, isang tagapag salin na tumulong kay Biden na makatakas sa Afghanistan nung dumalaw ito nung 2008. Sa tulong ng mga Amerikanong sundalo at mga sundalong Afghan, naitakas si Khalili at pamilya niya at ngayon ay nasa Doha, Qatar.
Magulo ang maski anong giyera. Maraming tao ang nagdurusa dahil sa giyera. At malaki ang gastos. Ang giyera ng Vietnam ay umabot sa $1 trillion. Itong Afghanistan ay umabot ng $2 trillion. May mga 50,441 na Amerikanong nangamatay sa Vietnam nung giyera doon. Si Ellen Knickmayer ng AP News ay inilista ang mga namatay sa Afghanistan na giyera sa sinulat niya noong August 17, 2021, magmula sa Amerikanong sundalo: 2448, mga Amerikanong trabahador: 3,846, sundalo at polis ng Afghanistan: 66,000, mga coalition na bayan: 1,144, mga mamamayan ng Afghanistan: 47,245, Taliban at iba pang sumasalungat sa Amerika; 51,191, mga nagtrabaho para tumulong sa Afghanistan: 444, at mga tagapagbalita: 77. Dahil itong mga numerong ito ay lumabas nung August 17, 2021, hindi naisama ang mga nangamatay sa isang bombang sumabog sa Kabul Airport nung August 27 na bumibilang na 92, kasama na dito ang 13 na Amerikanong sundalo.
Walang nananalo sa giyera. Ang katumbas ng alitan na umaabot sa giyera ay maraming namamatay na inosente, nawawalan ng tirahan ang mga mamayan, at walang katumbas na kalungkutan para sa mga taong tumatakas sa kanilang bayan at napipilitan na magumpisa ng buhay nila sa ibang bayan. Nang ako ay umupo sa hukuman ng mga taong tumakas sa kanilang bayan at nakinig ng mga ulat nila, ginawa ko lahat nang makakaya ko para bigyan sila ng makatarungang paglilitis. Naintindihan ko ang dinanas nila. Hindi madali ang iwanan mo ang bayan ng kapanganakan mo at kinalakihan mo pero kung kinakailangan para sa kaligtasan mo ay yayakapin mo at susubukin mo na mabuhay sa ibang bansa.