Nobel Peace Prize: Isang Panandaling Saglit na Nagbigay ng Kaginhawaan
Isang Panandaling Saglit na Nagbigay ng Kaginhawahan Habang ang Pangatlong Taon nitong Pandemya ay Palapit Na Nung nakaraang buwan, habang ang Canada ay unang nakakarinig ng Omricon, isang variant na nadiskubre ng mga siyentipiko sa South Africa, isang panandaling saglit na nagbigay ng kaginhawahan ang aking naranasan sa gitna nitong pandemya.
Maaga kong bumangon nung December 10, 2021 para manood sa tv ng seremonya ng Nobel Peace Prize sa Oslo, Norway. Ang mga pinarangalan ay si Dmitry Muratov ng Russia at si Maria Ressa ng Pilipinas. Ibinigay sa kanila ang parangal sa kanilang kagitingan laban sa kanilang gobyerno na umaalipin sa mga mamamayan nito. Natuwa ako sa parangal na to dahil isa rin akong peryodista dito sa Toronto.
Nakilala ko ang pangalang Maria Ressa nung dekada otsenta nang nagtatrabaho siya sa CNN. Nang ginanap ang People Power Revolution nung February 1986, siya ang nagbabalita para sa CNN. Nung 2012, itinatag niya ang Rappler na isang digital website na nagbibigay ng balita. Nang inurirat ng Rappler ang mga nangamamatay sa tinaguriang “drug wars” sa Pilipinas, hinanapan ng mga kaso si Ressa ng mga tauhan sa gobyerno ni Duterte.
Sa isang panulat niya at ni Mark Thompson sa New York Times nung December 10, 2021, araw ng pagtanggap niya ng parangal sa kaniya ng Nobel, sinabi niya na nakakatakot na bansa ang Pilipinas para sa mga taong nag-uulat ng mga balita. Binanggit niya na 22 ng mga ito ay pinaslang mula nang umupo si Duterte. Naalala ko tuloy ang imbestigadyon na ginawa ko nung 1987, isang taon na nakalipas sa pagalis ni Marcos sa Pilipinas.
Tinungo ko ang kuta ng mga NPAs sa Camarines Sur para tanungin kung may pagasa silang bumalik sa mga pamilya nila na iniwanan nang manghimagsik sila laban sa gobyerno ni Marcos. May mga kakilala akong tumutol sa proyekto kong ito pero di ako nabahala. Tinagpo ko ang commander ng Bicol, tinanong ko babalik sila sa mga trabaho ng iniwanan nila. Sinagot ako ng oobserbahan nila ang kasalukuyang gobyerno, kung ano ang magagawa nito para sa bayan at kung may mahihita sila bilang mga rebelde. Natapos ang pakay ko, binigyan ko ng binoculars ang commander na tinanggap naman at walang nangyari sa akin. Siguro iba ang turing nila sa mga peryodista noon.
Nagbigay ng diskurso si Ressa sa pagtanggap niya ng parangal sa kaniya. Binanggit niya ang mga kilala niyang mga peryodista na pinahihirapan o kaya pinaslang ng mga gobyernong hindi nagustuhan ang mga isinulat nila. Kabilang na dito si Jamal Kashoggi na pinatay habang nasa consulado ng Saudi Arabia sa Istanbul, Turkey. Ipinaalala niya ang kinasapitan ng isang pinarangalan ng katuland ng parangal sa kaniya.
Nung 1935, si Carl Von Ossietsky ay napili na tumanggap ng parangal sa kaniya pero hindi ito pinayagan ni Hitler dahil nasa concentration camp ito. Binanggit niya kung ano ang parusa sa mga nagulirat ng mga biktima ng drug wars na umabot na ng 20,000. Isa sa mga pinarusahan ay si Senador Leila de Lima na nakakulong ng limang taon na. Isa rin sa mga pinarusahan ay ang ABS CBN na ipinasara ng gobyerno dahil hindi nagustuhan ang mga irineport nito tungkol sa presidente. Nung natapos ang diskurso niya, hinimok niya ang mga tao na lumikha ng mundo na mapayapa, mapapagkatiwalaan, ay mapagmalasakit.
Naginhawahan ako sa mga sinabi niya. Kahit mapanganib ang magsabi ng katotohanan at humingi ng paliwanag sa mga pangyayaring hindi kanaisnais, umaasa pa rin siya na malilinawan ang kung sinumang nakatira was mga bansang pinamumunuan ng mga taong nagkakalat ng mga huwad na balita para sa ikatatagal nila sa pulitika.
Sa larawan (YouTube), ang Nobel laureates na sina Maria Ressa at Dmitry Muratov ay tumatanggap ng kanilang Nobel Prize sa Disyembre 10, 2021